Mag-lolo, patay sa pamamaril sa Navotas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 06:33 AM

Patay ang isang lolo at ang kanyang apo matapos pagbabarilin sa labas ng kanilang bahay sa Roldan St., Barangay Tangos, Navotas Huwebes ng gabi.

Kapwang nagtamo ng tama ng bala sa ulo sina Fernando Dela Cruz, 66, at Kenneth Maglonzo, 15.

Ayon sa ama ng binatilyo, nagpaalam sa kanya si Kenneth na lalabas ng bahay para bumili ng sigarilyo pasado alas-10 ng gabi.

Makalipas ang ilang minuto, nakarinig siya ng mga putok at nakitang nakabulagta ang anak sa pahingahan ng mga mangingisda. 

Pagbaba niya, nakita rin niyang nakabulagta na rin ang tatay niyang si Fernando sa tinutulugang kubol.

Ayon sa barangay, apat na taong may suot na sombrero at takip sa mukha ang nakitang naghahanap kay Kenneth. May dala pa sila umanong retrato ni Kenneth. 

Nang maituro ang binatilyo, binaril siya ng grupo na tumakas sa katabing eskinita.

Iniimbestigahan pa ang kaso at tinitingnan ang pagkasangkot ni Kenneth sa riot sa isang tenement sa katabing barangay Huwebes ng madaling-araw.

Walong binatilyo, kabilang si Kenneth, ang dinampot ng barangay pero pinakawalan din matapos aregluhin ng mga magulang ang danyos sa nasira sa gulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.