Pinal na bersiyon ng TRAIN bill, palihim na binago?

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 09:17 PM

Ilang mambabatas ang nagpahayag ng pagkadismaya sa umano'y "palihim" na pagbago sa napag-usapang pinal na bersiyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill na ganap nang niratipika nitong Miyerkoles.

Sa pahayag ni Sen. Joel Villanueva, laking gulat umano nila nang nagbago ang anyo ng TRAIN habang nasa proseso na sila ng ratipikasyon.

"[W]e made a shocking discovery as we were preparing to ratify the bicameral committee report on the TRAIN bill. This act of deletion displayed the hand of the industry with intentions as dark as the dirtiest of all fossil fuels," ani Villanueva. 

Ang tinutukoy ni Villanueva na binura ay ang probisyong naglalayong buwisan ang mga lokal na coal producers.

Simula pa 1976, mayroong tax exemption ang mga lokal na coal producer. Sa TRAIN na aprubado ng Senado, bubuwisan na sana ang mga ito, kasabay rin ng panukalang itaas ang coal excise tax sa P50-P150 bawat tonelada mula P10. 

"We express our deepest disappointment to this act of secretly tampering with written documents... Our efforts had been betrayed right within our own chamber by... those whose misplaced sense of entitlement led them to believe that they can get away with refusing to give their fair share to the country," dagdag ni Villanueva. 

Bukod pa rito, ilang kongresista sa Kamara ang nagsabing hindi sila binigyan ng kopya ng bicam report ng TRAIN na kanilang niraratipika.

“Sagasa talaga. May quorum ba dito? Wala pa yatang sampung tao iyung nasa floor. Hindi ito ordinaryong batas,” hinaing ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.

"Hangin ang ni-ratify nila kagabi, ni walang ibinigay na kopya maliban pa sa walang quorum," ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate 

Binatikos rin ng Institute for Climate and Sustainable Cities ang mga kongresistang nasa likod ng pagbabago sa anyo ng TRAIN.

"Legislators who perpetuated this travesty will now have to explain to the public why they treated local coal at par with medicines and raw food," anila.

Hindi pa man pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte, may ilang grupo nang nagsasabing maghahain sila ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang lumusot na TRAIN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.