PANOORIN: Bakit inaprubahan ni Noynoy ang Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 04:23 PM | Updated as of Dec 14 2017 10:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Humarap si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino sa pagdinig ng Senado kaugnay sa isyu ng kontrobersiyal na bakunang Dengvaxia. 

Magkasamang nag-iimbestiga ang mga komite ng blue ribbon at ng health ng Senado upang ungkatin paano humantong ang gobyerno sa pagbili ng bakuna na kalaunan ay nadiskubreng "delikado" sa hindi pa nagkakasakit ng dengue.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kaniyang pagharap, iginiit ni Aquino na dumaan sa tamang proseso at pagsusuri ang Dengvaxia ng Sanofi Pasteur bago aprubahan ang malawakan nitong paggamit.

"Ang intindi natin sa Dengvaxia, natapos na ang local at international processes nito...Sa aking pakiwari, pagkaunawa sa sinabi sa atin ng mga eksperto, dumaan na po ito sa lahat ng proseso para malaman ang efficacy at mas importante ang kaniyang safety," ani Aquino.

Itinanggi rin ni Aquino na may mga nagpahayag sa kaniya ng pagtutol sa paggamit ng Dengvaxia.

“Diin ko lang po, bago nagdesisyon ang gobyerno sa Dengvaxia, habang nagdedesisyon, pagkatapos magdesisyon, at hanggang sa ngayon, walang nagparating sa akin ng pagtutol sa bakuna,” ani Aquino. 

Depensa ni Aquino, nagdesisyon siyang aprubahan ang paggamit ng Dengvaxia dahil sa banta nitong pagkalat sa higit 2 milyong Pilipino.

“Kung di po maipaliwanag kung bakit sumipa ng 14 times ang dengue sa Region 8, di po natin masasabi paano natin mapipigilan ito. Kaya naghanda tayo sa worst case scenario, sa 2.8 millino na taong nagka-dengue, i-multiply mo sa 20,800, ang buong gastos, 58.2 billion pesos,” sabi ni Aquino.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Class suit?

Para naman sa grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), dapat imbestigahan kung pasok sa kasong plunder ang ginawa nina Aquino, dating Budget Secretary Butch Abad, Health Secretary Janette Garin, at iba pang opisyal ng nakaraang administrasyon. 

“The VACC is respectfully requesting this body to recommend the investigation of the following persons in connection with the anomalous purchase and administering of Dengvaxia vaccine to more than 833,000 Filipino children,” sabi ni VACC general counsel Ferdinand Topacio nang magsalita ito sa komite.

Nanawagan din si Topacio sa mga umano'y naturukan ng Dengvaxia na lumapit sa VACC dahil magbibigay daw sila ng tulong kung nais ng mga ito na maghain ng class suit. 

Walang negosasyon sa presyo

Samantala, itinanggi rin ni Garin na siya ay nakipagnegosasyon sa matataas na opisyal ng Sanofi Pasteur sa presyuhan ng Dengvaxia sakaling pumasok ito sa Pilipinas.

Naganap umano ang usapan sa kaniyang pulong sa Paris, France, bagay na isiniwalat ng ABS-CBN News.

Giit ni Garin, hindi nila napag-usapan ang presyo ng bakuna. Sa halip, nagbiro lamang siya noong papatapos na ang meeting.

"I was not present at the meeting. I came last in the meeting and I made a joke, 'sana po buy one, take one iyan. If the private buys one, give one to the government.' I never negotiated for the price," ani Garin.

'Mananagot ang dapat managot'

Nagbigay naman ng pahayag ang Palasyo sa naging pagdinig.

Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, walang balak makisawsaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu at kondenahin ang sinoman. 

"Basta ang sabi ni Presidente, ituloy ang imbestigasyon ng DOJ (Department of Justice), ituloy ang imbestigasyon ng Senado, at kung merong dapat managot, pananagutin niya," ani Roque. 

Naiintindihan din umano ng Pangulo ang sitwasyon noong panahon ni Aquino na nais solusyunan ang banta ng dengue. 

"He understands why the prior administration implemented the dengue vaccine. Thousands were afflicted with dengue, it’s a deadly disease, there is a vaccine that they knew in good faith would be able to help and they implemented it," aniya.

Dagdag nito, wala pa kasing lumalabas na obserbasyon noon na maaaring makasama sa sinoman ang bakunang likha ng Sanofi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.