'iDOLE card na may mukha ni Duterte, papalitan kung ireklamo ng OFW'

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 11:08 PM | Updated as of Jul 14 2018 09:25 AM

Ipinagtanggol ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang disenyo ng overseas Filipino worker (OFW) ID na may mukha ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilunsad ang iDOLE card sa ika-84 anibersaryo ng DOLE kasama si Duterte noong Disyembre 8.

Libre ang ID na nangangakong magpapabilis sa mga transaksiyon ng mga OFW dahil ilalagay dito karamihan ng kanilang impormasyon.

Nag-post si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Sec. Mocha Uson ng sample card sa social media.

Pero marami ang nakapansin sa nakalagay na larawan ni Duterte.

Mungkahi ng isang netizen, tanggalin na ang retrato ng pangulo para hindi papalit-palit ng disenyo at gumastos pa kapag tapos na ang kaniyang termino.

May nagsabi naman na mas malala pa ito sa mga epal na tarpaulin ng mga pulitiko.

Nagpaalala naman si PCOO Sec. Martin Andanar sa utos ng Pangulo na huwag i-display ang kaniyang larawan sa lahat ng government office.

Sa halip, mga pambansang bayani na lang daw ang ilagay.

Nilinaw naman ng DOLE na sila ang gumawa ng disenyo ng iDOLE card at sinadyang lagyan ito ng imahe ni Duterte na nakasaludo.

"Itong salute position manifests iyong pagkikilala ng ating pangulo sa tunay na pagiging bayani ng ating mga OFW... pagbibigay pugay sa ating mga OFW," ani DOLE Sec. Silvestre Bello.

Binanatan pa ni Bello ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines na umano'y narinig niyang kumokontra sa disenyo ng ID.

"Ano bang gusto nilang ilagay, si Pope Francis?" tanong ni Bello. "May lumalabas na negative reaction pero hindi naman OFW. Ito 'yong mga sumasakay lang at gustong sirain ang project na ito."

Itinanggi naman ng CBCP na may ginawa silang pahayag kontra sa iDOLE card.

Ayon sa DOLE, handa naman silang palitan ang disenyo ng card kung marami ang magrereklamong OFW.

Sa tala ng DOLE, nasa 5,000 na ngayon ang nagpa-register para makakuha ng libreng ID.

Inanunsiyo naman ng DOLE na ilulunsad na rin sa Enero ang ipinangakong OFW bank ng administrasyon.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.