Panukalang reporma sa buwis, nabimbin dahil sa coal tax

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 08:12 PM

Nitong Martes, Disyembre 12, pa nakatakdang ratipikahan ng Kongreso ang Tax Reform For Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill na magpapababa ng income tax, pero magtataas ng ilang buwis.

Pero naaantala ito dahil hindi magkasundo ang Kamara at Senado sa probisyon ukol sa pagbubuwis sa coal.

Base sa paliwanag na ibinigay sa media ng Senado ukol sa TRAIN bill na inaprubahan ng bicameral conference committee, itataas ang buwis sa coal mula sa P10 kada metriko tonelada sa P50 para sa unang taon ng pagpapatupad nito.

Magiging P100 sa ikalawang taon at 150 sa ikatlo at mga susunod pang taon.

Mas mababa ito sa orihinal na panukala ng Senado na P300 kada metriko tonelada matapos mag-usap ng mga kinatawan ng mataas at mababang kapulungan.

Pero may ilang mambabatas pa rin daw ang umaangal na itinanggi naman ni Quirino Rep. Dax Cua na chairperson ng House ways and means committee.

Ayon pa sa ilang source, sa final version ng TRAIN bill galing sa bicameral committee, nawala ang isang importanteng linya na dapat sana'y nagbabalewala sa ilang probisyon sa Presidential Decree No. 972 noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagbibigay ng exemption sa locally-produced coal sa pagbubuwis. 

Dati kasi, halos hindi nagbabayad ng buwis ang mga producer ng coal sa bansa dahil sa kautusan.

Pinuri naman ng environmental group na Institute for Climate and Sustainable Cities ang pagpataw ng buwis sa coal.

Napapanahon na anila para buwisan ito dahil napakatagal nang barya lang daw ang ibinabayad na buwis.

Pabor din dito ang ekonomistang si Cielo Magno. 

Hindi raw patas kung exempted ang local coal mula sa buwis.
 
Bukod sa coal, bubuwisan din ang sweetened beverage at cosmetic procedures o pagpaparetoke.
 
Itataas naman ang buwis sa pagbili ng petrolyo, bagong sasakyan, at sa sigarilyo. 
 
May probisyon din ang panukalang batas para sa social benefits at subsidiya sa mga driver ng public utility vehicles.

Bababaan naman ang income tax na magbibigay ng exemption sa mga kumikita nang hindi hihigit sa P250,000 kada taon.
 
Inaasahang P130 bilyon ang madadagdag sa kita ng pamahalaan sa unang taon ng pagpapatupad ng unang tax reform package.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.