Matagalang pagbabantay sa mga nabakunahan, iminungkahi

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 12:01 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iminungkahi ng mga eksperto sa pamahalaan na magsagawa ng matagalang pagbabantay sa mga batang nabigyan ng kontrobersiyal na bakuna kontra dengue.

Naging maugong ang bakunang Dengvaxia nang ilabas ng manufacturer nitong Sanofi Pasteur ang pag-aaral na nagsasabing maaring magdulot ng malubhang sintomas ang bakuna kapag naibigay sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Ayon sa mga tauhan ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Disease, dapat magkaroon ng isang national registry o listahan ng lahat ng nabakunahan at bantayan sila ng anim na taon o higit pa.

Payo ng isang doktor mula sa Philippine Society for Microbiology and Infectious Disease, ipatingin agad ang batang nabakunahan kapag nakaramdam ng lagnat, panghihina, o pamamantal.

"Komonsulta kung mayroong lagnat ang anak mo. Early-seeking behavior," ani Dr. Fatima Gutierrez.

Iginiit ng mga eksperto na may sapat na kasanayan at kakayahan ang mga doktor sa Pilipinas para gamutin ang dengue.

Endemic o pangkaraniwang sakit kasi umano ang dengue sa bansa.

Nauna nang sinabi ng Department of Health na bukas ang lahat ng pampublikong ospital at pasilidad para sa mga nais magpatingin tungkol sa dengue at Dengvaxia.

Kaligtasan ng mga mag-aaral

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ilang paaralan naman ang nagpalabas ng mga sistema para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga estudyanteng nabigyan ng Dengvaxia.

Kabilang ang mga magulang ng mga batang nagpabakuna sa Alabang Elementary School sa mga nangangamba sakaling magkaroon ng masamang epekto ang bakuna sa kanilang mga anak.

Pero handa ang paaralan sa kanilang dengue assessment tool. Mayroon silang master list na naglalaman ng pangalan ng mga nabakunahan.

Bukod dito, lahat ng nabakunahan sa school-based immunization program ay bibigyan ng kard na magiging pagpapatunay na nakatanggap sila ng Dengvaxia.

"Kapag may naramdaman, ipadala agad dito sa clinic para ma-assess ng school nurse," ani James Joseph Ulep, nars sa Alabang Elementary School.

"Kung mayroon tayong nakitaan dito na posible na magkaroon ng dengue ang bata, ipapatawag po ang magulang at sasamahan sa health center para ma-check up ng doktor," ani Ulep.

Bukod sa card, may rekord din sa computer ang bawat mag-aaral na nagpapakita ng senyales ng dengue.

Nakalagay ang monitoring kung kailan nabakunahan at nagsimula ang lagnat. 

May hakbang din na inihanda ang Alabang Elementary School para sa mga magulang na pupunta sa kanila para humingi ng tulong.

Noong Linggo, Disyembre 10, nagpalabas ang Department of Education (DepEd) ng memorandum para sa mga paaralang nagpamahagi ng bakuna.

Sa DepEd Memorandum No. 199, inatasan ang pamunuan at health personnel ng mga paaralang nagpamahagi ng Dengvaxia na muling suriin ang kanilang mga masterlist.

Hinikayat din bantayan ang mga estudyante sa mga pribadong paaralan at paaralan sa mga rehiyon na hindi binigyan ng bakuna.

Hinimok din ang mga magulang na makilahok sa mga information drive tungkol sa dengue na idaraos sa mga paaralan para magkaroon ng karagdagang kaalaman hinggil sa sakit.

Nanawagan si Health Secretary Francisco Duque sa mga magulang na huwag mangamba sa iba pang bakuna dahil Dengvaxia lang umano ang may problema.

-- Ulat nina Kori Quintos at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.