'Manila's most honest': Driver, hinanap ang may-ari ng phone na naiwan sa taxi niya

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 06:19 PM | Updated as of Dec 13 2017 09:38 PM

Pinuri ng isang dayuhan ang katapatan ng Pinoy taxi driver na nagbalik ng naiwang cellphone.

Sa post ng taga-Singapore na si Alan John, ikinuwento niyang nagpunta siya sa National Museum sa kaniyang ikatlong araw dito sa Pilipinas.

Si John ay isang mamamahayag din mula sa Singapore Straits Times, at kasalukuyang namumuno sa Asia Journalism Fellowship. 

Pero nang nasa loob na siya ng museo, nabatid niyang naiwanan pala niya ang kaniyang cellphone sa sinakyang taxi.

Nakaalis na noon ang taxi kaya inakala ng dayuhan na tuluyan nang nawala ang kaniyang cellphone.

Pero laking gulat niya nang habang nagtitingin siya ng mga obra sa museo, dumating ang driver ng sinakyan niyang taxi para ibalik ang kaniyang cellphone.

Tinukoy ang driver bilang si Virgilio Sabillo.

Dahil sa katapatan, tinawag siya ng dayuhan na "Manila's most honest cabbie."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.