Alvarez: May 'betrayal of public trust' si Sereno

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 01:07 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi pa tapos ang pagdinig ng House justice committee sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pero ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, may sapat na basehan ang reklamo laban sa punong mahistrado.

Ayon kay Alvarez, may probable cause ang impeachment complaint dahil may ebidensiya umano laban kay Sereno na mula mismo sa kaniyang mga kasamahan.

"Ayaw kong pangunahan 'yong committee... nakapanood tayong lahat. Kung ano'ng sinabi no'ng mga nag-testify at siguro naman malinaw na siguro para makita ng sambayanan kung talagang mayroong laman 'yong impeachment complaint," ani Alvarez.

Kinontra naman ng ilang kakampi ni Sereno sa Kamara si Alvarez.

"Altogether, they will not constitute impeachable offenses," ani Albay Rep. Edcel Lagman

Sa pagdinig ng Kamara nitong Lunes, Disyembre 11, pinagbintangan ni Associate Justice Francis Jardeleza si Sereno ng pagtataksil sa bayan nang isapubliko umano ng chief justice ang isang top-secret document kaugnay ng West Philippine Sea nang hindi sila magkasundo sa diskarte sa arbitration case.

Ito raw ang dahilan kaya nagmaniobra si Sereno para harangin si Jardeleza sa Judicial and Bar Council.

"Wala po siyang viniolate na rules. Kasi sa rules po, may karapatan naman po na mag-object kung sinuman po ang may masasabi laban sa isang applicant sa position," depensa ni Atty. Jojo Lacanilao, abogado ni Sereno.

Pero ayon kay Alvarez, pasok sa impeachment ang bintang ni Jardeleza.

"'Yong binabanggit ni Justice Jardeleza, para sa akin swak na swak 'yon sa betrayal of public trust," sabi ni Alvarez.

Sa susunod na taon na dedesisyunan ng Kamara ang impeachment pero bago ito, nais munang masuri rin ni Alvarez ang psychiatric records ni Sereno.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.