Martial law extension, suportado ng WestMinCom

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 03:53 AM

Sinuportahan ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines ang rekomendasyon ni President Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang martial law sa Mindanao.

Ayon kay Lt. Gen. Carlito Galvez, commander ng WestMinCom, kinailangang palawigin ang martial law sa Mindanao dahil sa patuloy na banta sa seguridad ng Abu Sayyaf, CPP-NPA, at ang patuloy na pag-rerecruit ng ISIS-linked group sa ilang taga-Mindanao.

May plano umano ang grupong ito na palakasin muli ang kanilang mga hanay at magsagawa ng pag-atake sa ilang bahagi ng Mindanao.

Ayon pa kay Galvez, malaki ang naging tulong ng martial law sa kanilang operasyon laban sa mga bandido.

Nakokontrol kasi nila ang pag-transport ng mga pagkain at armas ng mga bandido, maging ang kanilang mga taga-suporta.

Sa loob ng isang taon, naniniwala si Galvez na kaya nilang tapusin ang problema sa Abu Sayyaf bagamat hindi ito kasiguruhan na mawawala na ang problema ng terorismo sa bansa.

Pero malaki umano ang magiging ambag ng isang taong extension ng martial law sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa Mindanao.

Tutol naman dito ang isang political science professor at Akbayan regional coordinator na si Edgar Araojo.

Ayon sa kanya, hindi solusyon sa terorismo ang pagpapalawig ng martial law dahil kahirapan at social injustice umano ang ugat ng problema sa rebelyon.

Ayon pa kay Araojo, hindi nasolusyonan ng martial law sa panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang problema sa rebelyon at terorismo kaya't malaki din ang posibilidad na hindi rin magtatagumpay ang Duterte administration sa pagsupil sa problema ng rebelyon sa Mindanao.

Imbes na palawigin ang martial law, dapat daw na pagtuunan na lang ng pansin ng administrasyon ang problema sa edukasyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at pagbibigay ng alternatibong trabaho para sa mahihirap na madaling nare-recruit ng mga bandido.