Transport groups, hindi kinonsulta sa jeepney modernization?

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 10:54 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Idinaing ng ilang transport groups na walang konsultasyong naganap sa pagitan nila at ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa planong gawing moderno ang mga jeep sa bansa.

Nitong Lunes, nagkaharap-harap ang mga transport groups at opisyal ng DOTr, kabilang sa Transportation Secretary Arthur Tugade, sa pagdinig ng Senado ukol sa jeepney modernization program.

"Ilan beses din po kami na humingi ng dialogue at pumpunta pa kami sa Clark (Pampanga) dahil 'di po namin maintindihan at napakahirap po ... kausapin 'yong taga-LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board)," ani Efren De Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organizations.

"Today I dialogue with you and I tell you nakinig ho ako," tugon ni Tugade.

May mga retrato namang ipinakita ang mga tauhan ng LTFRB na nagpapatunay na nakikipag-ugnayan sila ukol sa isyung modernization.

Hiniling ng mga tsuper at operator na kausapin sila hinggil sa mga probisyon ng modernization, gaya ng kung paano sila bubuo ng grupo para madaling makautang sa bangko.

Mahigit P2.2 bilyon ang inilaan ng gobyerno sa susunod na taon para mabigyan ng ayuda ang mga tsuper at operator sa mabigat na gastusin sa programa.

Nasa P80,000 ang sagot ng gobyerno sa kada yunit ng jeep.

Anim na porsiyento ang interes sa utang na bubunuin ng mga tsuper at operator sa loob ng pitong taon.

Nais din nilang malaman ng mga transport group kung sino ang manufacturer ng mga modernong jeep at paano ito babayaran.

Pagbabago sa disenyo

Samantala, ipinarada sa Senado ang ilang prototype ng modernong jeep.

Ilan sa mga pamantayang itinakda ng DOTr sa modernong jeep ay ang pagkakaroon ng Euro 4-compliant na makina at pasukan ng pasahero sa tagiliran.

Pero dahil may ilan pa umanong kailangang baguhin sa disenyo ng jeep, hindi umano dapat madaliin ng DOTr ang programa.

"'Yon nga sinasabi ko eh wala pa talaga nakasulat, nothing is written in stone at this point," ani Senador Grace Poe, chair ng Senate committee on public services.

Unang ipatutupad ang programa sa mga lungsod ng Baguio, General Santos at Taguig.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.