Palasyo, wala pang formal request para palawigin ang batas militar

Madonna Timbal, ABS-CBN News Davao

Posted at Dec 11 2017 11:24 AM

House Speaker Pantaleon Alvarez. File

DAVAO CITY - Kinumpirma ni Speaker Pantaleon Alvarez na wala pa silang natatanggap na formal request mula sa Malacanang tungkol sa planong pagpapalawig ng implementasyon ng batas militar sa Mindanao sa susunod na taon.

Pero inaasahan nila na ngayong Lunes maibibigay na sa kanila ang nasabing request.

"Bago kami magbabakasyon for Christmas, mag-break, dapat maaprubahan 'yon. Well, ang request ng Malacanang for extension and as far as we are concerned mukhang justified naman," ani Alvarez sa ginanap na pagpapasinaya ng Biyaya ng Pagbabago sa Davao City.

Dagdag ni Alvarez, base sa assessment ng AFP at PNP, nananatili ang banta ng terorismo sa Mindanao. Kaya paliwanag nito, kinakailangang ipatupad ang pagpapalawig ng martial law.

Aniya, kung siya lang ang masusunod, gusto nitong ipatupad ang martial law sa Mindanao hanggang matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa taong 2022.

"There is a continuing threat sa terrorism dito sa Mindanao. Hindi natin puwedeng i-deny 'yan," ani Alvarez.

Samantala, bilang isang Mindanaoan, sang-ayon din si Cabinet Secretary Leoncio Evasco sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

"I think there is a need. Ang basehan natin dito meron pang mga pockets of resistance that have to be neutralized if only to let the people of Marawi and the parts of Mindanao to live peacefully and thereby they can work for the betterment of the families," paliwanag ni Evasco.

Inaasahang maaaprubahan ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao bago mag-recess ang Kongreso ngayong Kapaskuhan.