Mindanao martial law, magagamit din vs NPA: Roque

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 05:32 PM | Updated as of Dec 11 2017 06:13 PM

Magagamit din ang batas militar sa Mindanao para masupil ang New People’s Army (NPA), ayon sa tagapagsalita ng Malacañang.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, puwedeng arestuhin ang mga miyembro ng NPA na patuloy ang rebelyon sa Mindanao.

“For as long as there are acts of rebellion being committed in the island province of Mindanao, yes he [Duterte] will use the full force of martial law against the NPA as well,” ani Roque.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nito lang Martes, Disyembre 5, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyong nagsasabing terorista ang Communist Party of the Philippines at NPA.

Dahil suspendido pa rin ang pribilehiyo sa writ of habeas corpus, maaaring ipag-utos anumang oras ng martial law administrator ang pag-aresto sa mga dawit sa rebelyon.

“The act of rebellion is a continuing crime, so for as long as they don’t lay down their [arms], they are committing a criminal act,” sabi ni Roque. “They would have to await the lifting of martial law for judicial remedy.”

Sa liham na may petsang Disyembre 8, pormal na hiniling ng Malacañang ang pagpapalawig ng batas militar ng isang taon.

Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ang patuloy na recruitment ng natitirang terorista mula sa Maute group.

Kailangan ding matiyak ang seguridad sa rehiyon habang isinasagawa ang rehabilitasyon sa Marawi kasunod ng limang buwang bakbakan.

“This was the recommendation of the administrator of martial law, General [Delfin] Lorenzana, and we have no basis to question the factual finding of the troops on the ground and our commanders on the ground,” ani Roque.

Tiniyak naman ng Palasyo na puwedeng paikliin ang batas militar kung maisaayos na ang aspetong panseguridad sa Mindanao.

“Let’s just give them the leeway. Because after all, as soon as it is extended, it can be cut short if there’s no need for it,” dagdag ni Roque.

Inaasahang pagdedesisyonan ng Kongreso ang hiling na pagpapalawig sa batas militar sa Miyerkoles o Huwebes.

Mayo 23 nang isailalim ni Duterte sa batas militar ang buong Mindanao kasunod ng pag-atake ng teroristang Maute sa Marawi City.

Bago mapaso ang 60 araw na bisa ng batas militar, inaprubahan ng Kongreso ang pagpapalawig nito hanggang katapusan ng taon.

Dati ring sinabi ng ehekutibo na babawiin ang martial law nang maaga kapag di na ito kailangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.