14 paaralan sa Marawi, pinayagan nang magbukas ng DepEd

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 08:41 PM

Matapos ang isinagawang pagsusuri ng mga engineer na ipinadala ng Department of Education (DepEd) sa Marawi City, nagbukas at sasailalim na sa "Brigada Eskwela" ang 14 na paaralan na pumasa sa inspeksyon.

Kabilang ang mga ito sa 39 na paaralan na binisita ng kagawaran.

Ilan sa mga nagbukas nang paaralan ay ang Banga Primary School, Cabingan Primary School, Datu Tambak Etado Elementary School, at Rorogagus Elementary School.

Magkakaroon naman ng ARMM Division Office ang DepEd na siyang magbibigay ng manpower at iba pang pangangailangan ng mga paaralang balik-operasyon.

Tibay ng istruktura at pundasyon ng paaralan at sapat na suplay ng tubig ang ilan sa inalam ng DepEd bago tuluyang payagang buksan ang mga eskuwelahang naapektuhan ng digmaan sa Marawi. 

--Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.