Mga militanteng kongresista, nakiisa sa hunger strike

Johnson Manabat, DZMM

Posted at Dec 09 2016 09:11 PM

Ilang militanteng kongresista ang nakilahok na rin sa ilang araw nang hunger strike ng mga progresibong grupo sa Mendiola para ipanawagan ang tuluyang pagpapalaya sa mga political prisoner sa bansa.

Nagpakita ng pakikisimpatya sa mga kapwa nilang militante sina Bayan Muna Party-list Representative Carlos Zarate at dating Congressman Satur Ocampo.

Ayon kay Zarate, tinatayang mayroon pa ring 400 political prisoners sa buong bansa sa kasalukuyan.

Kasabay ng isinasagawang solidarity fasting, muling inungkat ng mga ito ang naging pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya.

Nagsagawa rin ng simbolikong Free Hugs and Kisses ang mga Kabataang militante bilang suporta sa panawagang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

Samantala, naniniwala din ang mga lider ng mga ito na welcome sa panig ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagkakaroon ng unilateral ceasefire agreement sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng rebeldeng grupo na maaring magpa-bilis sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan.

Nakatakda ang panibagong round ng peace talks sa Oslo, Norway sa Enero sa susunod na taon.