Dalagita ginahasa at pinatay sa Camarines Sur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 04:33 PM

TIGAON, Camarines Sur- Patay na nang matagpuan Huwebes ang isang 15-anyos na babae na biktima ng panggagahasa dito.

Natagpuan ang Grade 7 student na nakahandusay sa isang sagingan. Batay sa resulta ng otopsiyang ginawa sa biktima, positibong ginahasa ito at sinakal.

Miyerkoles nang huling nakita ang biktima kasama ang nakatatandang kapatid pauwi sa Barangay Libod mula sa kanilang paaralan sa Barangay Tinawagan.

Nauna umano ang dalagita sa kaniyang kapatid hangang sa hindi na ito nakita.

Labis ang kalungkutan hindi lang ng pamilya kundi pati mga guro at kaklase ng biktima.

Kwento ng guro nito, halos 3 oras, lalo na kung masama ang panahon, ang nilalakad ng dalagita mula sa kaniyang bahay araw-araw papasok sa paaralan ngunit hindi ito lumiban sa klase ni minsan.

Nananawagan naman ang pamilya at mga guro ng dalagita ng hustisya sa nangyaring insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.