Buko vendor, patay sa pamamaril sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 07:59 AM

Patay ang isang buko vendor matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang inuupahang kwarto sa Barangay Santa Monica, Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Basilio Abordo.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, may dumating umano sa lugar na 2 lalaki sakay ng motorsiklo.

Dalawang putok ng baril ang narinig ng isang kapitbahay at agad umanong lumabas ang gunman sa kwarto ni Abordo.

May narekober na 2 basyo ng bala, lighter, at rolled aluminum foil sa crime scene.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.