30 naospital matapos mabakunahan ng Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 01:11 AM | Updated as of Dec 08 2017 01:34 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa mga naunang pagdinig noong nakaraang taon pa lamang, lumabas na sa draft committee report ng House Health Committee na may mga duda sa pangmatagalang epekto ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Ilang beses ding humarap sa pagdinig noong nakaraang taon ang mga kinatawan ng gobyerno, Sanofi Pasteur na manufacturer ng Dengvaxia, at mga public health expert dahil sa mga kuwestiyon sa kaligtasan ng Dengvaxia.

Makaraan ang ilang hearing, lumabas sa draft Health Committee report na may duda sa pangmatagalang epekto ng Dengvaxia.

“The conflicting theories of experts on the efficacy of the dengue vaccine and the lingering uncertainty about its long term safety had caused some degree of apprehension among various sectors,” nakasaad sa draft committee report.

Nahinaan din ang mga kongresista sa monitoring ng Department of Health (DOH) sa mga batang nabakunahan.

May naitala rin ang DOH na halos 1,000 kaso ng may adverse effects o pagkakasakit kasunod ng bakuna kung saan 30 ang kinailangang maospital.

“DOH reported that there were 997 reported cases between March 18 to August 20, 2016, thirty (30) of which were considered as serious cases that needed hospitalization.”

Apat naman ang naitalang kaso ng pagkamatay kasunod ng pagbakuna bagamat may debate pa kung may kinalaman ito sa immunization program.

Kasama sa mga rekomendasyon sa draft committee report ang pagpapatigil ng programang bakuna hangga’t hindi natutugunan ang mga isyung lumabas sa pagdinig.

Kamara, muling bubuksan ang imbestigasyon

Pinabubuksan naman ngayon ng ilang mambabatas ang imbestigasyon ng Kamara sa bakunang Dengvaxia ngayong nabuking na may problema ito.

Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability chair Rep. Johnny Pimentel, didinggin nila ang isyu sa susunod na linggo.

"We are reopening the case [be]cause of recent developments. We will have a hearing on December 13," aniya. 

Gusto naman ng ilang kongresista na magkaroon ng class suit sa mga dapat managot.

Pero hindi pa man umuusad ang pagdinig, may agam-agam na ang mga kakampi ng nakaraang administrasyon.

“The anti-dengue vaccine Dengvaxia must be immunized from politics,” ayon kay lbay Representative Edcel Lagman.

“Ano ba gubyerno natin, namamahala o engaged sa isang boxing match laban sa dating administration?” ayon naman kay Caloocan Rep. Edgar Erice.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.