PNP, napuna sa Korte; ‘malaking isda’ na ang huhulihin

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 08:31 PM

Mas malalaking isda ang balak hulihin ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) matapos silang ibalik sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Noong Lunes, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang memorandum na muling magsasama sa PNP sa giyera kontra droga, na pangungunahan pa rin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa memorandum, sinabi ng Pangulo na namamayagpag na muli ang ilegal na droga at tumaas ang krimen nang mamahinga ang PNP sa pagtugis sa mga gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga.

Saad ng memorandum: "There has been a notable resurgence in illegal drugs in the Philippines and crimes committed since the PNP and other law enforcement agencies were directed to leave to the PDEA, as the sole agency, the conduct of all anti-illegal drugs campaigns and operations."

Malalaking drug lords, nakaligtaan

Kaugnay nito, kinuwestiyon ng Korte Suprema noong Martes ang tila pagtuon ng pansin ng "Oplan Tokhang" ng PNP sa mga komunidad ng mahihirap.

Ito'y sa gitna ng ikatlong araw ng oral arguments ng Korte sa dalawang petisyong inirereklamo ang kampanya kontra droga ng gobyerno.

Mistulang nakaligtaan umano ang mga malalaking drug lord at illegal drug distributor.

Binase ito ng mga mahistrado sa isinumite ng Office of the Solicitor General na may 3,800 bilang ng mga napatay mula nang simulan ang kampanya noong Hulyo 1, 2016 pagkaupo ni Pangulong Duterte.

"How come the flagship program of the president is concentrated on going after the small-time peddlers, why not the big-time drug lords?" ani Associate Justice Antonio Carpio.

"Most of the police are actually focused on only those that are in the streets rather than in the manufacturing," pamumuna ni Associate Justice Marvic Leonen.

Pero iginiit ni Solicitor General Jose Calida na isang bahagi lang ng PNP ang mga programang "Tokhang" at "Double Barrel."

Isusunod umano nila ang paghahabol sa mga "high-value targets."

"The instruction of the president is to go after all of them ... that was the concern, to stop all these peddling and then we go after the big-time drug lords," ani Calida.

Gamit ang datos ng PNP, sinabi ni Calida na umabot na sa higit 400 Chinese drug lords at iba pang Tsinong sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga ang nahuli nang simulan ang kampanya.

Nilinaw ni Calida na hindi bahagi ng "Tokhang" ang mga lehitimong buy-bust operation at pagsisilbi ng search warrant sa mga lugar na pinagdududahang may ilegal na droga kung saan nagaganap ang panlalaban ng mga suspek.

Ipinagtaka rin ni Carpio kung bakit ang bentahan ang at hindi ang pag-angkat ang pinagdidiskitahan, lalo na't madali naman umanong manghuli sa Bureau of Customs (BOC).

Pero iginiit ni Calida na bilang kapuluan ang bansa, marami lugar na puwedeng pagpasukan ng droga na hindi kinakailangang dumaan sa BOC.

Mga panuntunan, pinaplantsa na

Ipinhayag naman ng PNP Drug Enforcement Group (DEG) na mas maghihigpit sila sa pagsasagawa ng mga operasyon.

"Para maipasigurado na nababantayan 'yong galaw ng mga subordinates natin ... iba kasi 'pag may opisyal eh, may guidance lagi to perform their jobs properly," ani Chief Superintendent Joseph Andol, direktor ng PNP-DEG. 

Dapat magkaroon din ng plano bago isagawa ang operasyon.

Dati, kadalasan idinadaan lang sa text o tawag sa nakatataas at kapag tapos na ang operasyon.

Pagsusuotin din ng body camera ang mga pulis sa operasyon.

Pero para kay Andol, hindi na kinakailangan ang body camera dahil baka makasagabal pa ito sa operasyon kapag nagloko.

"For me, there's no need of a bodycam. Our camera as policemen is God," ani Andol.

Tinanggap ng PDEA ang desisyon ng Pangulo dahil ito rin umano ang hiling ng ahensiya matapos paulit-ulit amining kulang sila sa tao at kagamitan.

Pero ipinagmalaki ng PDEA na sa mahigit dalawang buwan nilang pangunguna sa kampanya, nakapagdaos sila ng 2,161 anti-drug operatons, 750 drug personalities ang nahuli, at P104.10 milyon na halaga ng shabu ang nakumpiska. -- Ulat nina Maan Macapagal at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.