Plaka ng mga sasakyan posibleng maibigay sa 2018 - LTO

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 08:17 PM | Updated as of Dec 07 2017 08:44 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iginiit ng Land Transportation Office (LTO) na ginagawan na nila ng paraan ang suliranin sa mga plaka ng sasakyan.

Ayon kay Romeo Vera Cruz, executive director ng LTO, sisimulan ng kanilang ahensiya ang paggawa ng mga plaka simula Marso sa susunod na taon.

"Eventually, as directed by the President, the LTO will be producing the plates also starting March 2018," ani Vera Cruz sa panayam ng ABS-CBN News.

Nasa 775,000 pares na car plates at 1.7 milyon pares ng motorcycle plates ang kinakailangan ng LTO.

Ibinigay ang proyekto para sa pag-suplay ng plaka sa isang German company sa halagang P1 bilyon.

May security features din ang ilalabas na plaka gaya ng quick response code, radio-frequency identification, at watermarks.

Kasama sa kontrata ang mga materyales na gagamitin para gumawa ng plaka sa Pilipinas para hindi na kailangang mag-angkat mula sa ibang bansa.

Ipaaayos rin ang pabrika ng plaka ng LTO bago matapos ang taon.

Mga napaglumaang makinarya sa pabrika ng plaka ng Land Transportation Office. Balak ipaaayos ang pabrika para muling magamit sa 2018. Jacque Manabat, ABS-CBN News

Panahon pa ng pananakop ng mga Hapon nang itayo ang pabrika bilang regalo ng Japanese government sa Pilipinas, kaya ang mga makinang naiwan dito ay lipas na.

Taong 2014 nang huling ginamit ang pabrika bago napalitan ang disenyo.

Tiniyak naman ng LTO na walang dagdag-singil sa pagpaparehistro ng sasakyan.

Ayon kay Edgar Galvante, pinuno ng LTO, hindi niya bibitawan ang responsibilidad na ibinigay sa kaniya sa kabila ng panawagang magbitiw siya sa puwesto.

Ang nakatataas lang umano ang mismong puwedeng magpaalis sa kaniya.

Matatandaang ipinatigil ng Commisson on Audit (COA) noong 2015 ang paglalabas ng plaka ng LTO dahil sa maanomalyang kontrata sa mga supplier.

Taong 2016 naman nang ipatigil ng Korte Suprema ang paglalabas ng mga plaka matapos hindi makapagbayad ng customs duties ang supplier. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.