Magkapatid patay matapos manlaban umano sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 08:32 PM

Patay ang magkapatid matapos umanong manlaban sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa bayan ng Kabacan, North Cotabato nitong Huwebes.

Patay ang magkapatid na sina Kobe Abdul Kaludin at Dorex Abdul Kaludin matapos maghain ng search warrant ang Cotabato Provincial Police Office (CPPO), Provincial Public Safety Team, Kabacan Police at mga sundalo sa kanilang tahanan sa Sitio Late, Barangay Kayaga.

“Nung papasok na ang operating team, akma nang alisin nung isang suspek ang pin ng granada. Ang isa naman, nagpaputok ng baril. Kaya pinaputukan sila," ani Supt. Bernard Tayong, spokesperson ng CPPO.

“Dahil sa illegal possession of firearms at explosives 'yung warrant. Base sa monitoring, mga carnapper ito at involved pa sa ibang crimes sa Kidapawan, Kabacan area," dagdag niya.

Pero iba naman ang bersyon ng pamilya ng magkapatid. Nakaposas na umano ang mga ito saka binaril ng operating team.

“Tinutulak nila 'yung pinto namin. Hindi ko kilala kasi naka-maskara sila. Pumasok sila, ang iba kina nanay, ang iba sa amin, tapos pinalabas kami tapos 'yung tatay ko inapakan nila," ani Junaida Abdul, kapatid ng mga napatay na suspek.

Giit ng pamilya, walang kasalanan ang magkapatid.

Ang dalawang napatay na target sa operasyon ay parehong may tig-apat na anak at pawang nasa ibang bansa ang mga asawa.

Isa rin umanong miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ang isa sa mga napatay.

“Minsan nakikita namin sila. Wala namang narinig na sangkot sa kung ano. 'Yung isa BPAT," ani Rahima Buca, isang kapitbahay.

Narekober ng pulisya sa operasyon ang isang caliber .38 revolver, kalibre .45 na baril, isang homemade shotgun, mga bala at granada.

Nakatakas naman ang iba pang target sa operasyon na sina Boy Talipasan Usman, Randy Abdul Kaludin, at Kamad Mohammad Maambig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.