Kampo ng militar sa Davao City, inatake ng NPA

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 09:37 PM | Updated as of Dec 07 2017 09:54 PM

DAVAO CITY - Pinaputukan ng rebeldeng New People's Army (NPA) ang kampo ng militar sa Barangay Carmen, Baguio District sa Davao City nitong Huwebes.

Ayon kay Col. Raymund Dante Lachica, commander ng 3rd Infantry Battalion, nakaganti naman agad ang mga sundalo laban sa mga NPA.

Walang naiulat na nasaktang sundalo at sibilyan.

Samantala, may namataang dugo sa lugar na pinaniniwalaang pinwestuhan ng mga NPA sa isinagawang clearing operation ng mga sundalo.

Ayon kay Lachica, siniguro nilang mahigpit ang kanilang seguridad laban sa pag-atake ng mga NPA.

Malaking tulong din umano ang ginawa ng mga residente sa lugar sa pagbibigay ng impormasyon sa mga sundalo.

Patuloy ang manhunt operation ng kasundaluhan laban sa mga NPA lalo pa’t idineklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga NPA na isang teroristang grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.