Ahenteng nagpanggap na may-ari ng binebentang condo, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 09:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Huli sa entrapment operation ang isang babae at sinasabing kasabwat nito sa ilegal na pagbebenta ng isang condo unit sa Maynila.

Sa CCTV at cellphone video na kuha sa isang restaurant sa Maynila, makikita ang mga agent ng Sampaloc Police Intelligence kasama ang biktimang si alyas Boy na bumibili ng isang condo unit sa suspek na si Catherine Cipriano na nagpakilala namang may-ari.

Nanghihingi ng P1.6 milyon si Cipriano bilang full payment para sa condo pero nagreklamo ang biktima na nakaw umano ang titulo na hawak nito.

Nang magkaabutan na ng pera, lumusob na ang mga pulis at pinosasan si Cipriano kasama ang isang lalaki na nagpupumiglas pa nang arestuhin.

Bago ang entrapment operation, nagbigay na ng P600,000 na downpayment sina Boy, kaibigang si alyas Jhun, at isa pang negosyante kay Cipriano.

Naniwala anila sila dahil may ipinakitang titulo si Cipriano at larawan pa ng condo unit.

Pero nalaman nila mula sa building administrator na hindi si Cipriano ang may-ari nang minsang bisitahin ng tatlong biktima ang condo.

Ayon sa tunay na may-ari ng condo na si Marilou Valeriano, 2014 pa nang mawala ang titulo ng kaniyang condo matapos niya itong ibigay sa isang ahente para maipangalan sa kaniya.

Pero hindi na ibinalik ng ahente ang titulo.

Umaasa ang may-ari ng condo na mate-trace din ang ahenteng nanloko sa kaniya sa pagkaaresto kay Cipriano.

Todo tanggi naman si Cipriano sa mga akusasyon at sinabing biktima lang din siya.

Kakasuhan si Cipriano ng kasong estafa. Napag-alaman ng mga pulis na may pending warrant din sa kasong estafa ang suspek noong 2006.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.