2 dalagita, dinukot at pinagsamantalahan umano sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 09:23 PM

GATTARAN, Cagayan- Dalawang menor de edad na babae ang dinukot umano at pinagsamantalahan ng hindi pa nakilalang mga salarin sa Cagayan.

Kwento sa mga pulis ng mga biktimang edad 14 anyos at 15 anyos, galing umano sila ng paaralan at naglalakad pauwi noong Nobyembre 29 nang hintuan umano sila ng isang kulay berdeng van.

Ang isa sa mga sakay nitong lalaki ay inalok umano sila na ihatid sa kanilang bahay.

Pumayag naman ang mga biktima at hindi na nagdalawang isip matapos na makita umano nilang may nakasakay din na 2 pang babae sa van.

Ngunit nang makarating na sila sa dapat na bababaan, hindi tumigil ang van at bigla umano silang nahilo at nawalan ng malay.

Nagising na lamang ang 2 babae na nasa isang bahay na sila.

Ayon pa sa mga biktima, iginapos saka makailang ulit umano silang pinagsamantalahan ng mga dumukot sa kanila.

Isa sa mga salarin ay may pangalang “Mike” umano.

Nitong Disyembre 2 na lamang sila pinakawalan umano ng mga salarin. Nagbanta din daw ang mga ito sa mga biktima na sila ay papatayin kung magsusumbong sila sa mga pulis.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang kuwento ng dalawang babae.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.