10-anyos na bata, tinutukan umano ng baril ang kaklase

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 05:26 AM | Updated as of Dec 08 2017 02:04 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang 10-anyos na batang lalaki ang dinala sa pulis matapos umanong manutok ng baril sa kaniyang kaklase sa loob ng kanilang silid-aralan sa Zamboanga City Martes ng hapon.

Ayon kay Supt. Hadjiri Langgal, hepe ng Zamboanga City Police Station 6, nangyari ang insidente sa Tugbungan Elementary School matapos isumbong sa isang guro ang grade 4 na estudyante.

Nakita ng guro nang buksan nito ang bag ng bata ang isang lumang kalibre .38 na baril na loaded ng apat na bala.

Sa panayam ng ABS-CBN News, itinanggi ng bata ang alegasyon sa kanya.

Pwersahan umanong binuksan ng kanyang kaklase ang kanyang bag kaya nakita ito, depensa niya.

Kwento ng bata, natagpuan niya ang baril sa isang poultry farm kung saan nagtatrabaho ang kanyang mga magulang. 

Dito na rin sila nakatira kasama ang kanyang tatlo pang mga kapatid.

Aksidente umano niyang nakita ang baril habang naglalaro sa isang bakanteng sleeping quarters sa poultry farm.

Dinala niya ang baril para paglaruan at hindi para takutin ang kanyang kaklase, dagdag niya.

Inamin naman ng nanay ng bata na nagkulang siya sa pagbantay sa kanyang anak dahil na rin sa subsob siya sa trabaho.

Ayon naman sa may-ari ng poulty farm, magtatatlong buwan nang umalis ang kanyang isang manggagawa na dating umuokupa sa sleeping quarter kung saan natagpuan ng bata ang baril.

Hindi rin niya matiyak kung sa dating manggagawa niya ang nakitang baril.

Dahil menor de edad ang estudyante, hindi siya kinasuhan ng pulisya.

Ayon kay Langgal, hindi pa kasi nila nalalaman kung sino ang tunay na may-ari ng baril.

Maghihigpit naman ang paaralan sa seguridad kasunod nang insidente.

Titingnan na umano ang bag ng mga estudyante sa entrance gate pa lang bago sila payagang pumasok sa eskwelahan.

Samantala, inaasahan namang magbibigay ng psychological intervention ang City Social Welfare and Development Office sa bata at sa magulang nito para gabayan sila at para hindi na maulit ang ganitong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.