Rebeldeng NPA patay sa enkuwentro sa Or. Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 09:23 AM

BANSUD, Oriental Mindoro – Isang hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa naganap na enkuwentro sa pagitan ng military noong Linggo sa Sitio Anapla sa Barangay Don Pedro.

Nagsasagawa ng security operations sa Sitio Anapla ang tropa ng 4th Infantry Battalion alas-8:30 ng gabi noong Disyembre 3 nang maka-enkuwentro ang tinatayang 10 rebeldeng NPA sakay ng apat ng motorsiklo, ayon sa press release mula sa 203rd Brigade, 2nd Infantry Division ng Philippine Army.

Tumagal ang bakbakan ng limang minuto na naging sanhi ng pagkamatay ng isang rebelde. 

Narekober din sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 na baril, dalawang galon ng iba’t-ibang bala, 100 piraso ng M16 magazines at tatlong motorsiklo.

Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa hanay ng mga sundalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.