Papal Nuncio, nakisalamuha sa mga drug surrenderer sa Ilocos Norte

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 10:42 PM

Ngayong taon ang ika-400 na anibersaryo o quadricentennial ng bayan ng San Nicolas, ang natatanging bayan sa Ilocos Norte na ipinangalan sa isang santo na si San Nicolas de Tolentino.

Sa paggunita sa quadricentennial, pinangunahan ng bagong talagang Papal Nuncio to the Philippines na si Archbishop Gabriele Giordano Caccia ang isang misa sa San Nicolas de Tolentino Parish Church.

Daan-daang deboto ang dumalo sa misa. Pagkatapos ng misa, nagmano at nakipag-selfie pa ang mga deboto sa Papal Nuncio.

Ayon kay Magdalena Dancelan, napakalaking bagay ang pagbisita ni Archbishop Caccia sa San Nicolas.

“Hindi namin ito makakalimutan sa tanang buhay namin. Naiiyak kami sa tuwa,” sabi niya.

“Naiiyak ako sa tuwa. Muntik na akong di makapunta dahil hindi ko maiwanan ang kapatid kong may sakit," ayon naman sa debotong si Josefa Badua.

Nakisalamuha din si Archbishop Caccia sa mga drug surrenderer ng San Nicolas at binasbasan ang mga ito.

“I was told that everyone has some kind of difficulties, but each of us has difficulties in all kind of situation. But what we can do, we can always pray god to help us, to overcome difficulties. And each of us should try his best to be a better person. If i work to be a better person, if these people work to be a better person, if you work to be a better person, if you work to be a better person, the world will be better," ani Caccia.

“So when you find difficulties to fight to be better, let us help each other. Think that each one has to engage himself to be better. And on this good will, I will give the benediction of god and hope that Pope Francis has for each one of you," dagdag pa niya.

Napaluha naman si "Alice," hindi niya tunay na pangalan, sa sinabi ni Archbishop Caccia.

"Sobra ang saya ko sir dahil binisita kaming mga surrenderer. Nagtungo siya dito para bisitahin kami at ibigay ang blessing mula kay santo papa. Masaya ako dahil nakapag-bless din ako sa kanya.naramdaman ko ang presensya ng panginoon," aniya.

"Dahil 400 years ng San Nicolas at alam naman natin yung theme na 'a time to kneel, a time to heal', very happy kami dahil na-meet ng mga surrenderer ang Papal Nuncio," ani Ryan Rollaine Simo, focal person ng San Nicolas Healing Time Program.

Ito ang unang beses na lumabas ng Metro Manila si Archbishop Caccia at magtungo sa probinsya mula nang dumating sa bansa noong nakaraang buwan.

Kahit saglit lamang ito sa Ilocos Norte, iniwan naman niya ang basbas mula sa Santo Papa na lalo pang magpapatibay ng pananampalataya ng mga Ilokano.