Number 2 ni 'Bato', inaasahang hahaliling PNP chief

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 08:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa Philippine National Police (PNP) National Advisory Council Summit sa Cebu, ipinakilala ng mga kapwa pulis bilang susunod na hepe ng pulisya ang PNP Deputy Chief of Administration ngayon o ang kinikilalang "number 2" sa hanay ng PNP.

Siya si police Deputy Director General Ramon Apolinario o mas kilala bilang si "Sir Apol". 

Wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang ukol dito.

Pero ayon sa sources sa PNP, binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghalili ni Apolinario kay PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa sa isang command conference.

Nakatakda nang bumaba sa puwesto si Dela Rosa sa Enero 21, 2018 dahil sa mandatory retirement age ng PNP na 56 anyos.

Tubong Quezon City si Apolinario.

Miyembro siya ng Philippine Military Academy (PMA) Sandiwa Class of 1985.

Alumnus din ng PMA ang ama ni Apolinario, gayundin ang kaniyang kapatid na si Chief Superintendent Tomas Apolinario na kasalukuyang Southern Police District director.

Kasapi noon si Apolinario sa regional Special Action Force sa Central Luzon bago naging hepe ng San Leonardo, Nueva Ecija.

Naging Davao City police director mula Hulyo 2008 hanggang Enero 2010 at nakasama niya ang noo'y alkalde ng lungsod na si Rodrigo Duterte.

Ginawaran ng "Best City Police Office" award ang Davao City sa ilalim ng kaniyang termino.

Noong umupo sa puwesto si Pangulong Duterte, isa si Apolinario sa tatlo niyang pinagpilian para maging unang PNP chief niya. Pero si Dela Rosa ang napili.

Sa ngayon, ayaw munang magbigay ng pahayag ni Apolinario ukol dito.

"Hindi pa naman official 'yon, we are waiting for the official announcement. No comment muna 'ko do'n. Ako'y magfo-focus pa rin sa trabaho ko," ani Apolinario. 

Dati na ring sinabi ni Dela Rosa na kaya ni Apolinario ang hamon ng pagiging PNP chief.

"Pareho lang naman kami ng abilidad, pareho lang naman kami ng training na dinaanan," ani Dela Rosa sa isang panayam noong Agosto.

Kung sakaling kompirmahan na ng Malacañang ang pag-upo ni Apolinario, siya ang magiging ika-22 PNP chief sa kasaysayan.

Nakatakdang magretiro si Apolinario sa Agosto 31, 2018.-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.