Mga aktibista, nababahalang ma-'target' bilang terorista

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 09:02 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nangangamba ang ilang aktibistang grupo sa posibilidad na punteryahin sila ng militar matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People's Army (NPA) bilang mga teroristang grupo.

Nitong Martes, nagdaos ng protesta ang mga aktibista sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, ang tanggapan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Idinaing nila ang militarisasyon, posibleng pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao, at ang pagdeklara ng Pangulo sa CPP-NPA bilang mga teroristang grupo.

Ayon kay Ryan Amper, tagapagsalita ng Barug Katungod Mindanao, laganap ang pagpatay kahit hindi terorista kaya nababahala silang baka sila ang isunod na target.

"Kinakabahala po namin 'yon kasi bago pa man idineklara na terorista 'yong CPP-NPA-NDF (National Democratic Front), marami nang pinapatay na mga legal na organisasyon, mga lider, magsasaka," ani Ryan Amper, tagapagsalita ng Barug Katungod Mindanao.

Tinalakay din sa isang forum nitong Martes ang karapatang pantao sa Pilipinas.

Hindi umano malayo na may madawit kahit hindi miyembro ng NPA.

"Marami diyan na magsalita lang, sabihin na naniniwala sa CPP although hindi arm-bearing, siguradong target," ani Rainer Almazan ng University of the Philippines-College of Social Work and Community Development.

Iginiit din ng militar na tinitingnan nila ang posibleng sabwatan ng CPP-NPA sa iba pang grupo.

"If we will review the struggle being waged by the CPP-NPA-NDF, makikita natin na there is a symbiosis, there is mutual support between these three elements," ani Lieutenant General Rey Leonardo Guerrero, chief of staff ng AFP.

Naghahanda na ang mga aktibistang grupo sa susunod na kabanata ng kanilang pakikibaka.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.