Magsasaka, patay sa pamamaril sa Agusan del Sur

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 12:48 AM

Dead on the spot ang isang magsasaka matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin Lunes ng gabi sa Barangay Poblacion, Rosario, Agusan del Sur.

Kinilala ang biktima na si Arnel Perez. 

Sugatan ang kabarkada nito na si Loloy Perez, habang maswerte namang nakatakbo ang isa pa nilang kasamahan na nakilalang si Romy Olidan.

Ayon sa imbestigasyon ng Rosario Municipal Police Station, kagagaling lamang ng tatlo sa isang Christmas party nang mangyari ang insidente.

Matapos ang party ay dumeretso sa isang videoke bar ang tatlo pero nang papauwi na ay inabangan ng salarin at bigla na lang pinagbabaril ang mga biktima.

Palaisipan pa sa pulisya kung ano ang motibo ng pamamaril, hindi pa rin matukoy kung sino ang dapat managot sa krimen. 

Nilinaw ng hepe ng pulisya na si Senior Inspector Aldrine Camu na wala itong kinalaman sa ilegal na droga dahil hindi naman drug personality ang mga biktima.

Wala rin umanong nakaalitan sa videoke bar ang magkakabarkada noong gabing iyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.