LTO chief, pinagbibitiw dahil sa mga plakang di pa rin dumarating

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 09:52 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinagbibitiw ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pinuno ng Land Transportation Office (LTO) na si Ed Galvante dahil sa umano'y kabiguan nitong matugunan ang problema sa pamamahagi ng plaka.

"You can tell Asec. Galvante na he really failed ... I encourage him to tender his resignation, hindi niya kaya ang trabaho," pahayag ni Alvarez sa pagdinig ng House transportation committee nitong Martes.

"Mahigit isang taon na kayo diyan, hanggang ngayon wala pa ring plaka."

Hindi nakadalo si Galvante sa pagdinig dahil nasa ospital ito. 

Taong 2015 nang ipatigil ng Commisson on Audit (COA) ang paglalabas ng plaka ng LTO dahil sa maanomalyang kontrata sa mga supplier. 

Taong 2016 naman nang ipatigil ng Korte Suprema ang pamimigay ng Bureau of Customs sa mga plaka matapos hindi makapagbayad ng Customs duties ang supplier. 

Ayon sa LTO, hinihintay pa nila ang resolusyon sa kasong nakabinbin sa Korte Supreme at hiling na i-review ang pagpapatigil sa proyekto ng COA.

"The LTO is awaiting the resolution of the case pending in the Supreme Court and the petition for review of the Notice of Disallowance of the COA," pahayag ni Romeo Vera Cruz, executive director ng LTO. 

Nitong Setyembre umano nagdaos ng bidding ang LTO para sa panibagong kontrata para sa paggawa ng 775,000 pares ng car plates at 1.7 milyon pares ng motorcycle plates.

Naibigay ang kontrata sa joint venture na J.H. Tonnjes at Trojan Computer Forms Manufacturing Corporation sa halagang P1 bilyon noong Nobyembre 27.

Subalit Hulyo 2016 hanggang Disyembre 31, 2017 lang ang sakop ng bagong kontrata.

Inaasahan sa March 2018 pa masisimulan ang pamimigay ng plaka.

Iba pa ito sa mga plakang sakop ng lumang kontrata na ipinatigil ng COA.

-- Ulat nina Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.