Lalaking nagpapanggap na 'money changer' ng dolyar, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 10:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bistado ang modus operandi ng 'budol-budol' na nambibiktima ng mga magpapapalit ng foreign currency. 

Sa kuha ng CCTV sa isang money transfer center sa isang mall sa Cubao, Quezon City, makikita ang pagpasok ng lalaking kinilalang si Arvin Atendido. 

Kinumbinsi niya ang biktimang si Sarah na sa kaniya na lang ibenta ang $260 na ipapapalit sana nito. 

Ibinigay ni Sarah ang dolyar at sabay silang nagpa-photocopy ng identification card sa isang bookstore pero biglang nawala si Atendido.

""Mababa po 'yung palitan no?" Sabi niya, "Ako na lang po magpapalit kasi bibili po ako ng dollar, pupunta ng California 'yung sister ko, papalitan ko po 'yan sa mas mataas na halaga." And then bigla ko na-realize na bitbit niya na 'yung pera ko kaya nagtawag na po ako ng guard. Hindi na po namin siya mahanap," kuwento ni Sarah.

Bumalik pa ang biktima sa money transfer center pero nalaman niya na walang ginawang transaksiyon ang lalaki doon. 

Nagtiyaga naman ang biktima sa pagre-research sa internet ukol sa money changer budol-budol at doon na lumitaw umano ang larawan ng suspek na tumangay ng pera niya hanggang sa nalaman niya ang address at pangalan nito. 

“Naghanap po ako ng same modus sa money changer. Nag-search ako sa Facebook. Nakita ko ‘yung picture niya, ‘yung mukha niya doon so na-identify ko ‘yung pangalan niya,” ayon kay Sarah. 

Samantala, nabiktima rin umano ni Atendido si alyas ‘Tessa’ noong taong 2012 pero nagpakilala ito sa alyas na ‘Bong Chua’.

Nagpakilala umano ito na may negosyong money changer sa Bulacan at interesadong palitan ang dolyar na hawak ng biyenan ni Tessa. 

"Nakilala lang siya ng mother-in-law ko sa bus. Then from there nagtanong siya at nagsabi kung may available na dollar ang mother-in-law ko, puwede sa kaniyang magpapalit kasi mas mataas ang palitan sa kaniya," kuwento ni Tessa. 

“Pinakilala ng mother-in-law ko sa husband ko itong budol-budol na ito which is napangalanan na namin na si Arvin Atendido. Kinuha niya ‘yung bag ng mother-in law ko at inabot sa akin and ang sabi doon ko na raw ilagay ‘yung pera na 11,000 US dollars. So from there, parang nilito niya na lahat," dagdag pa niya. 

Natangay ng suspek ang $11,000 o nasa kalahating milyong piso.

Kapwa nagsampa na ng kaso ang dalawang biktima sa piskalya ng Quezon City. 

Sinabi naman ni Atendido na ibabalik niya na lamang ang perang natangay pero walang plano magpaareglo ang mga biktima. 

Inaasahan na lalantad na rin ang isa pang biktima na magsasampa rin ng parehong kaso laban sa suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.