Kotseng isa lang ang sakay, balak ipagbawal sa isang lane sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 09:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ipinapanukala ng Metro Manila Council ang pagkakaroon ng isang lane sa EDSA na para sa mga sasakyang may higit sa isang sakay.

Napagkasunduan ng 17 alkalde ng Metro Manila sa pulong nila noong Martes ang "high occupancy vehicle (HOV) lane," na magbabawal sa mga sasakyang ang nagmamaneho lang ang sakay.

Ito ang nakikitang solusyon para maibsan ang matinding trapiko sa EDSA.

Sa innermost left lane o ikalimang lane ng EDSA itatalaga ang daanan para sa mga sasakyang may sakay na dalawa o higit pa.

"Kung mag-isa ka sa kotse, dumaan ka doon, huli ka ... kung dalawa kayo, puwede ka dumaan," paliwanag ni Jojo Garcia, general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Maiiwan ang ikaapat na lane o motorcycle lane at ikatlong lane para sa mga nag-iisa sa sasakyan.

Bawal sa mga pribadong sasakyan ang ikalawa o yellow lane dahil para lang ito sa mga point-to-point at provincial bus.

Ang lane naman na katabi ng bangketa'y nakatalaga para sa mga bus.

Paiiralin ang "no-contact policy" na gagamit ng mga CCTV at iba pang digital camera o teknolohiya para mahuli ang mga lalabag.

Odd-even scheme, binaril

Muli namang binaril ng Metro Manila Council ang panukalang "odd-even scheme" at "two-day coding scheme" sa EDSA.

Nakapeperwisyong trapiko sa kani-kanilang lungsod kasi ang nakikita ng mga alkalde sa ilalim ng odd-even scheme.

Anila, kahit mabawasan ng kalahati ang sasakyan sa EDSA, sisikip naman sa mga alternatibong kalsada.

Pag-uusapan pa ng MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board kung paano mapipigilang maging palusot ng mga kolorum ang HOV.

Magsasagawa ng dry run ang MMDA sa Disyembre 11 para tingnan kung epektibo ang HOV.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.