Binatilyo, sugatan matapos saksakin umano ng katrabaho sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 05:59 AM

Sugatan ang isang 19-anyos na lalaki matapos umano siyang saksakin ng kanyang katrabaho sa isang rambol sa Barangay Payatas, Quezon City Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng apat na saksak sa kaliwang tagiliran si Joshua Dela Cruz.

Hinuli naman ang tatlo nitong kasamahan na sina Rhodelio Dela Cruz, Argun Espiritu, at Jovan Latosa.

Kwento ng isang testigo, nagsuntukan umano ang biktima at ang mga suspek.

Nakita ng testigo na sinaksak ni Rhodelio ang binata.

Depensa naman ni Rhodelio na nag-ugat ang away sa pagpapagalingan sa trabaho.

"Payabangan sa gawa. Ayaw nila magpatalo sa gawa. Hindi namin sila inaano. Sila lang nauna," aniya.

Itinanggi naman ni Espiritu na sila ang sumaksak sa biktima. Naaksidente lang umano ito sa nakausling mga bakal sa construction site.

"Nadisgrasya siya. Nakipagbuno kami. Di masasabi na nasaksak siya kasi maraming bakal na nakausli," dadgag ni Espiritu.

Agad sinugod sa ospital ang biktima na ngayon ay ligtas na.

Mahaharap naman sa kasong serious physical injury ang mga suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.