Bangkay ng binatilyong nakabalot pa ang mukha, natagpuan

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 12:00 PM

Hustiya ang sigaw ng pamilya ng isang 17-anyos na binatilyo na hinihinalang biktima ng summary execution sa San Fernando, La Union.

Alas-7 ng umaga ng Martes nang mai-report sa pulisya ang pagkakadiskubre sa bangkay ni April Pejo sa Purok 1, Barangay Abut.

"Gusto ko sana mabigyan ng hustisya. Marami pa diyan na susunod diyan…may mga masamang nagawa rin yung pamangkin (ko) pero hindi naman pwedeng ganun di ba," sabi ng kanyang tiyuhin na si Engelbert Pejo.

Nakabalot ng masking tape ang mukha at kamay ng biktima na pinatay umano sa pamamagitan ng pagsakal.

Hapon na nang malaman ng pamilya ng biktima ang sinapit niya.

Palaisipan pa rin sa kanila kung bakit nangyari ang insidente. Huling nakitang buhay ang biktima noong Sabado ng gabi. Pareho pa raw ang suot nitong damit noong umalis at nang matagpuan.

Hindi pa tukoy ng mga pulis ang suspek sa pagpatay sa binate.
 
"Napagalaman na itong biktima, tinapon doon sa lugar na yun at na-identify thru flash alarm na taga Barangay Sevilla siya," sabi ni Senior Inspector Antonio Marzan Jr.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.