Ronnie Dayan, nakauwi na sa kanyang tahanan

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2016 11:28 AM

URBIZTONDO, Pangasinan – Agad na ibiniyahe pabalik sa kanyang tahanan ang umano’y bagman/driver ni dating Justice Secretary na ngayon ay Senadora Leila de Lima matapos ang pagdalo sa Senate hearing kahapon.

Sinamahan pauwi si Ronnie Dayan ng Senate sergeant-at-arms at ng Special Weapons and Tactics ng Pangasinan Provincial Police Office.

Mag-aalas-dos Martes ng madaling araw nang makarating si Dayan sa kanilang tahanan.

Agad siyang sinalubong ng kanyang mga kaanak na matagal din niyang hindi nakasama.

Ayon kay Dayan, mahigit apat na buwan din daw siyang hindi nakauwi sa Urbiztondo kaya laking pasalamat niya nang payagan na siya ng Senado na makauwi.

Tumanggi na muna siyang magbigay ng pahayag tungkol sa isyu ng illegal drug trade at susulitin na lang daw muna ang oras kasama ang kanyang buong pamilya.

"Ayaw ko munang magsalita, basta masaya ako ngayon na magkakasama na kami,” sabi niya.

Doble naman ang kasiyahan ng kanyang kaanak sa muli niyang pagbabalik.

"Masayang-masaya kami na nandito na siya,” sabi ni Elmita Toreta, kapatid ni Dayan.

Ibinigay na ng Senate sergeant-at-arms ang kustodiya ni Dayan sa kanyang mga kaanak kung saan pumirma ang dalawang panig.

Bagama't wala na sa custody ng PNP si Dayan, nakabantay pa rin ang Urbiztondo police para sa seguridad niya at ng kanyang pamilya.

"Voluntary lang yung pagbabantay namin kasi naghihintay pa rin kami ng order sa taas,” sabi ni Inspector Joshua Maximo.

Hindi pa malinaw kung hanggang kailan mananatili si Dayan sa Urbiztondo pero ayon sa kanya, bukas daw siyang muling dumalo sa Senate hearing sakaling kailanganin pa ang kanyang testimonya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.