Proklamasyong nagsasabing terorista ang CPP-NPA, pirmado na ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 09:58 PM

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ang proklamasyon na nagtatakda sa pagkakategorya sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) bilang mga teroristang grupo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, alinsunod ang proklamasyon ng Pangulo sa Republic Act No. 9372 o Human Security Act of 2007.

Wala pang ibinigay na kopya sa media dahil wala pang numero at petsa ang proklamasyon.

Dagdag ni Roque, ipinag-utos na rin ng Pangulo kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na maghain ng petisyon sa Manila Regional Trial Court na isama ang CPP-NPA sa listahan ng mga teroristang grupo sa ilalim ng batas.

Ayon kay Roque, hindi nangangahulugang kikilalanin agad ng batas na teroristang grupo ang CPP-NPA.

Kailangan munang maghain ng mosyon sa korte dahil ito ang hinihingi ng Human Security Act at security resolution ng United Nations hinggil sa pagdeklarang terorista ang isang tao o grupo.

"A proper petition must be filed by DOJ in court," paliwanag ni Roque.

Sa pagkakategorya sa CPP-NPA bilang teroristang grupo, maaari nang mapanagot ang mga tagasuporta ng mga grupo, lalo na ang mga nagpapaabot ng materyal at pinansiyal na tulong.

Nang tanungin kung ano ang mangyayari sa mga miyembro ng mga grupo, sabi ni Roque: "That's premature muna because we have to file first in court."

Hindi rin matiyak ni Roque kung ano ang dulot nito sa tagapagtatag ng CPP na si Jose Maria "Joma" Sison, na kasalukuyang nasa Netherlands.

"I do not know what will happen to Joma, I do not know the status of Joma ... (he) has taken Dutch citizenship," ani Roque.
 
"If it is proven that he is, in fact, a part of CPP-NPA ... And if it can be proven that he provides material support to the CPP-NPA, then he can be proceeded against," dagdag ni Roque.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Basagin ang tradisyon

Nitong Martes ng tanghali, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi niya inirerekomenda sa Pangulo na mag-anunsiyo ng nakasanayang unilateral ceasefire ang gobyerno.

"Kung masubok kami and we will stand down, then they will attack us again," ani Lorenzana. "We can always break tradition."

Kabilang ang CPP-NPA sa listahan ng Estados Unidos ng mga foreign terrorist organzation mula Agosto 2002.

Noong Enero, inirekomenda ng gobyerno na ipatanggal sa listahan ang grupo sa gitna ng kanilang peace talks o usaping pangkapayapaan kasama ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na may kaugnayan sa CPP-NPA.

Pero iginiit ng Amerika noong Pebrero na mananatili sa kanilang listahan ang CPP-NPA. 

Epektibong pamamaraan umano ito para mabantayan ang mga nagbibigay ng suporta sa aktibidad ng mga grupo.

Noong Nobyembre 23, winakasan ni Pangulong Duterte ang peace negotiations kasama ang NDFP-CPP-NPA.

Noong Linggo, pitong miyembro ng NPA ang patay habang dalawang sundalo ang nalagas sa isang sagupaan nang mapadaan ang militar sa kuwebang kuta ng mga rebelde sa South Cotabato.

Sa Baggao, Cagayan naman noong Sabado, mga NPA ang itinuturo ng pulis na salarin sa pagpatay sa isang konsehal sa loob ng kaniyang bahay.

-- May ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.