PNP, balik sa giyera kontra droga na pangungunahan pa rin ng PDEA

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 07:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang memorandum na muling magsasama sa Philippine National Police (PNP) sa giyera kontra droga.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bukod sa PNP, inatasan na rin ang ilan pang ahensiya ng gobyerno na tulungan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamahala sa kampanya kontra droga.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Saad ng bahagi ng pahayag: "NBI, PNP, AFP, BOC, Philpost and all other agencies in existing anti-illegal drug task force shall resume to provide active support to PDEA. PDEA shall continue to be the overall lead agency in the anti-illegal campaign."

Batay rin sa binasang dokumento ni Roque, mayroong "clamor" o pagnanais ang publiko na muling bumalik ang PNP sa giyera kontra droga.

"I've read about it in the media as well, that people and communities are saying that they want it restored to the PNP. But as I said, it is not as if it was restored to the PNP because PDEA remains the lead agency," paliwanag ni Roque.

Halos dalawang linggo na ang nakalilipas nang sabihin ng PNP na handa sila sakaling ibalik na sa kanilang hanay ang giyera kontra droga.

Pero sinabi rin noon ng PNP na hindi nila matitiyak na hindi na magiging madugo ito.

"Talaga namang iniiwasan na, kaya lang sa simula nga, sinasabi ni chief PNP, kung magiging at risk din naman ang buhay ng isang police officer, talagang we are to defend also," sabi noon ni PNP deputy spokesperson Supt. Vimelee Madrid.

Nitong Oktubre, ipinatigil ni PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa ang "Oplan Tokhang" kasunod ng atas ni Duterte na nagtatalaga sa PDEA na maging tanging ahensiyang mangunguna sa kampanya kontra droga. 

Paliwanag pa noon ng pangulo sa inilabas na memorandum, inililipat sa PDEA ang pamamahala para ilagay sa ayos ang kampanya kontra droga.

Pero sa isang talumpati sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija, noong Nobyembre 22, nagpahaging na si Duterte at sinabing kailangang ibalik sa pulisya ang giyera kontra droga.

"... nilagay ko sa PDEA. But whether I like it or not, I have to return that power to the police because, surely, it will increase the activity of the shabu,” ani Duterte.

-- May ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.