Pinuno ng Piston, inaresto bago makapagpiyansa

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 09:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Taas-kamao at nakangiti pa si George San Mateo, national president ng Piston, nang dumating sa Quezon City Hall of Justice.

Ayon sa kaniyang abogado, nabigyan sila ng tip na aarestuhin siya kaya magpipiyansa na sana agad siya.

Pero sinalubong si San Mateo ng pulis habang paakyat ng gusali at doon na nagkagulo.

Nabasahan naman ng Miranda rights si San Mateo at aakyat na sana sa Branch 43 kung saan nakahain ang kasong isinampa laban sa kaniya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) pero hindi na siya binitawan ng arresting officers.

Nag-ugat ang kaso sa pangunguna ni San Mateo sa nationwide strike kontra sa jeepney modernization noong Pebrero.

Hindi natinag ang mga pulis, desididong dalhin si San Mateo kahit nagsisigaw na siya at halos mahulog na sa hagdan.

Pati ang dalawang kongresistang miyembro ng Makabayan bloc na kasama ni San Mateo, naipit, natulak, at nabitbit ng pulis.

Walang nagawa ang mga tagasuporta ni San Mateo nang maisakay na siya sa police car.

Sa Station 10 ng Quezon City Police District, taas-kamao pa rin si San Mateo habang kinukuhanan ng booking photos at fingerprints.

"Ang gusto talaga nila rito, ibuyangyang ako sa harap ng taumbayan at ng mga driver operator na para matakot silang lumaban," ani San Mateo.

Iginiit naman ng pulisya na ipinapatupad lang nila ang batas at ang warrant of arrest.

"Overkill" naman ang sigaw ng abogado ni San Mateo.

"Ang kasong isinampa ay hindi heinous crime, ito'y isang minor crime lang na noong 1937 pa ipinasa. Ito'y isang Commonwealth Act, panahon pa ng Amerikano itong batas na ito, wala pa ngang jeep no'n," ani Atty. JV Topacio, abogado ni San Mateo.

Ayon naman sa Malacañang, walang dapat sisihin sa nangyari kundi si San Mateo mismo.

"This has nothing to do with arresting legal fronts. This has something to do with violating the public service law," paliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque. "The warning was made. He defied. He now has to face the consequences." 

Matapos ma-book, ibinalik naman ng pulis si San Mateo sa Hall of Justice.

Nang makompleto na ang lahat ng dokumento at makabayad ng P4,000 piyansa, pinawalan na rin siya.

Muling nanindigan si San Mateo na kahit na matinding panggigipit ang pinatikim sa kanya, tuloy pa rin ang welgang bayan na isasabay nila sa opisyal na pagpapatupad ng jeepney modernization pagpasok ng Enero.

-- Ulat nina Doris Bigornia, Joyce Balancio, at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.