Mga babuyang nagtatapon ng dumi sa ilog Pasig, binuwag

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 10:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinasok ng Manila SWAT at demolition team ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang isang residential area sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Una na raw kasing inireklamo ng ilang residente roon ang lugar dahil sa masangsang na amoy ng mga babuyan.

Pagpasok ng demolition team, tumambad sa kanila ang mga dumi ng baboy na itinatapon deretso sa ilog Pasig na mahigpit namang ipinagbabawal sa batas o sa Solid Waste Management Act.

Natuklasan din ang isang mistulang bahay ng residente na kulungan pala ng mga baboy.

Ang mga namamahala sa bahay-kulungan ang itinuturong responsable sa pagtatapon ng mga dumi ng baboy sa Pasig River sa bahagi ng Maynila.

Dahil dito, tuluyan nang giniba ang mga piggery sa tabi ng ilog Pasig.

Bukod kasi sa paglabag sa pagtapon sa dumi't basura Pasig river, nasa batas din na dapat ay sampung metro ang layo ng anumang estruktura mula sa ilog.

Hindi naman maiwasang mapaiyak ng isa sa mga may-ari ng piggery na may 500 baboy.

Aniya, umaabot sa kalahating milyong piso ang kinikita niya sa pagbebenta ng 100 baboy kada anim na buwan.

Dadalhin na sana ng PRRC ang mga baboy pero pinagbigyan na lang ang mga may-ari nito na gumawa ng paraan para maialis ang mga baboy sa lugar.

Matapos naman ang demolisyon, pansamantalang nakilagay muna ang mga may-ari ng kanilang baboy sa mga kapitbahay hanggang sa maibenta nila ito.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.