EKSKLUSIBO: Family driver na dumukot sa anak ng amo, patay

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 06:34 PM | Updated as of Dec 06 2017 11:12 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang family driver na dumukot sa anak ng kanyang amo ang napatay sa enkuwentro Lunes ng gabi sa Valenzuela City.

Sa talahiban sa Canumay West sa Valenzuela City napatay ang suspek na si Darius Darlucio, sa isang ransom payoff kagabi matapos na makasagupa ang Philippine National Police Anti-Kidnapping Group.
 
Dinala pa siya sa ospital pero hindi na umabot pa ng buhay. Nakatakas naman ang angkas nito sa motorsiklo.

Dalawang buwan pa lamang na family driver si Darlucio sa isang Chinese family. Dinukot umano ni Darlucio at ipinatubos ang babaeng anak ng kanyang amo na kanyang ipinagmamaneho.

Disyembre 2 nang makatanggap ng text message ang ama ng biktima mula kay Darlucio na nagsasabing hawak niya ang anak nito.

Iginapos, piniringan, tinutukan ng ice pick at dinala sa isang motel sa Maynila ang biktima at humingi ng P7-milyon ransom para sa kalayaan ng anak ng amo.

Binalaan pa nito ang pamilya na huwag magsumbong kahit kanino at alam niya ang lahat ng kanilang mga galaw.

“Mula sa P7-M, bumaba ang demand ng suspect to P500,000 hanggang pumayag na siya ng P200,000 kapalit ng buhay at kalayaan ng biktima,” sabi ni Superintendent Arthur Masungson, hepe ng PNP-AKG Luzon Field Unit.

Pinakawalan ang kidnap victim nang makumpirma ni Darlucio na naideposito na sa pangalan niya sa money remittance center ang P200,000. Pero hindi nakubra ni Darlucio ang pera dahil sa kakulangan ng identification card.

Muling tinakot ng kidnapper ang pamilya ng biktima at humingi na lang ng P100,000. Nagmakaawa ang pamilya na P50,000 lang ang mabibigay sa kanya.

Kagabi, pina-cash on delivery na lang ni Darlucio ang ransom money sa Valenzuela. Pagkabigay ng pera, naengkuwentro na ng mga operatiba ng AKG at Valenzuela Police ang suspek.

Ayon sa AKG, inirekomenda lang sa pamilya si Darlucio bilang family driver. Ang pagkakamali ng pamilya ay nagtiwala at hindi na hiningan ng National Bureau of Investigation at police clearance ang suspek.

Nalamang dati nang may kasong carnapping at robbery ang suspek.Isang family driver na dumukot sa anak ng kanyang amo ang napatay sa enkuwentro kagabi sa Valenzuela City.