3 nagtapon umano ng bangkay sa SLEX, hawak na ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 10:15 AM

MANILA - Nasa kustodiya na ng Pasay police ang 3 sa 4 na indibidwal na tumulong umano sa isang lalaki na itapon ang bangkay ng kanyang kinakasama sa South Luzon Expressway nitong nakaraang buwan. 

Sa inisyal na imbestigasyon, binaril at napatay ni Alfredo Marasigan ang kanyang live-in partner na si Clarissalyn Lizardo sa loob ng bahay nito sa Maricaban, Pasay noong Nobyembre 28. 

Nagpatulong umano si Marasigan sa 4 na lalaki para ikarga ang katawan ni Lizardo sa kanyang sasakyan. Nakuhanan ng CCTV camera ang pagtutulak nila sa sasakyan nang tumirik ito at pagbuhat nila sa bangkay. 

Natagpuan ang bangkay ni Lizardo sa SLEX, bahagi ng Cabuyao, Laguna nitong Linggo. 

Isinuko ng kanilang mga kaanak ang 3 sa 4 na lalaking tumulong umano kay Marasigan. 

Kinilala sila na sina Melvin Astorga at Russel Torres, kapwa 18 anyos; at Lawrence Anthony Phi, 23. Lahat sila ay residente ng Maricaban. 

Una nang naaresto si Marasigan habang pinaghahanap ang isa pa umano niyang kasabwat. Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.