Bintang na 'suhol' para kay Sereno, inalmahan ng mga senador

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2017 10:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Habang gumugulong ang pagdinig ng House justice committee ukol sa reklamong impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, muling nagpakawala ng alegasyon ang naghain ng reklamo na si Atty. Larry Gadon.

Aniya, may isang business tycoon na mag-aalok ng P200 milyon sa bawat senador kapalit ang boto na huwag ma-impeach si Sereno. 

"Huwag kayo maniwala masyado kay Atty. Gadon. Puro hearsay 'yong kaniya, lalong hearsay pa ito... Wala akong alam na kumakausap sa senador," ani Sen. Panfilo Lacson.

"Dapat niyang sabihin kung sino ang sources niya, unang-una ang dami na niyang mga inconsistencies tapos ilalabas pa niya iyan," sabi naman ni Sen. Grace Poe.
 
Dagdag pa nila, sakaling makarating ang impeachment sa Senado, lilitisin ito batay lamang sa isang bagay: kung matibay ang ebidensiya.

COALITION FOR JUSTICE

Sama-samang nagdasal ang ilang organisasyon mula sa civil society, Makabayan bloc, human rights organizations, kabataan, at religious groups para ipakita ang kanilang paninindigan laban sa impeachment.

"Seventy-eight denominations, more than 40,000 local churches, Luzon, Visayas, and Mindanao, and around the world, we stand for Chief Justice Sereno," sabi ni Bishop Noel Pantoja ng Philippine Council of Evangelical Churches.

Sa kalahating dekadang serbisyo ni Sereno, wala umanong alingasngas ng katiwalian at pagkiling kanino man na nakita sa Korte Suprema, sa halip mga tamang reporma sa hudikatura ang nagawa.

"If this administration does not recognize the basic rights of the chief justice of the Philippines, how do we expect it to respect the basic rights of any Filipino?" sabi ni Boni Macaranas ng binuong grupong Coalition for Justice.

Sa mga pagdinig pa lang sa Kamara, nakita na umano kung paano minamaniobra ang isyu laban kay Sereno.

"Kung pahihintulutan natin ito ay mawawalan na po ng hadlang, mawawalan ng isang makapangyarihang hadlang sa malinaw na tangka ng Duterte administration at ni Pangulong Duterte na maghari bilang, tungo sa isang diktadura," ani ACT Teachers p arty-list Rep. Antonio Tinio.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.