'Oplan Tokrun': Mga patayan, kinondena sa fun run

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2017 09:12 AM

MANILA - Kinondena sa "Oplan Tokrun" fun run ang mga umano'y extrajudicial killing at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte, Linggo.

Katuwang ng tanggapan ni Senador Leila De Lima ang iba't ibang non-government organizations na nag-organisa sa aktibidad sa Quezon City Memorial Circle.
 
Suot ang t-shirts na may mga katagang "Run for your life" at "One for Leila," hindi bababa sa 100 katao ang lumahok sa fun run na bahagi ng paggunita sa International Human Rights Day sa Disyembre 10.

Kabilang sa mga lumahok ang nakababatang kapatid ni De Lima na si Macky De Lima.

Aniya, pinatutunayan umano ng mga ganitong fun run na marami pa ring naniniwala sa ipinaglalaban ng kanyang kapatid, na kritiko ng mga umano'y patayan sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dalawa hanggang 3 beses umikot sa Memorial Circle ang mga lumahok sa fun run. Dumaan din sila sa obstacle courses, gaya ng pinamagatang "Net of Lies" at "Riding-in-Tandem."

Mapupunta ang lahat ng kinita ng aktibidad sa mga proyekto para sa pangangalaga ng human rights at kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killings, ayon sa Human Rights and People Empowerment Center.

Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.