Grand Kapamilya Fair, naghatid ng serbisyo-publiko

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2017 12:27 PM | Updated as of Dec 04 2017 10:51 PM

Mahigit 5,000 katao, dumalo sa Grand Kapamilya Christmas Fair. Mike Bagtas, ABS-CBN News

MANILA (UPDATED) - Mahigit 5,000 ang nakisaya sa paghahatid ng serbisyo publiko ng iba't ibang programa ng ABS-CBN News sa Grand Kapamilya Christmas Fair sa Circuit Makati nitong Linggo.


Nagbigay ang "Salamat Dok" ng libreng health services tulad ng ECG at blood sugar test, eye check-up, pap smear, at ultrasound. May ipinamimigay ding libreng gamot at prescription eyeglasses sa mga nagpa-register.
 

Sa mga booth ng DZMM, tampok naman ang livelihood seminar ng "Radyo Negosyo" program, warts removal ng "Ma-Beauty po Naman", disaster preparedness seminar ng "Red Alert", at dental mission ng "Teaching, Learning and Caring" project.

Nagkaroon din ng pagkakataong magkaroon ng mahalagang kaalaman ukol sa pagnenegosyo ang mga dumalo sa mga booth ng "My Puhunan".

Handog naman ng "TV Patrol" ang job fair para sa mga naghahanap ng trabaho, samantalang nagkaroon naman ng disaster preparedness seminar ang "Red Alert".


Tinulungan naman ng "Failon Ngayon" ang mga Kapamilya na mapadali ang pagkuha ng mga serbisyo mula sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng PhilHealth, National Housing Authority, Department of Foreign Affairs, Social Security System, Public Attorney's Office, at Land Transportation Office.

Bumida rin sa fair ang iba't ibang palaro tulad ng plank challenge at raffle games, "dancercise", BINGO, kiddie rides, 'Most Wanted' mystery game, memory game, videoke, at virtual bato-bato-pik mula sa iba pang programa tulad ng "Sports U", "Mission Possible", "SOCO", "Matanglawin", "Rated K", "Tapatan ni Tunying", at mga documentary program ng ABS-CBN.


Nagkaroon din ng pagtatanghal ang ilang Kapamilya star.

-- May ulat nina Lyza Aquino at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.