2-araw na jeepney strike, tuloy sa Bicol

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2017 02:22 PM

MANILA - Itutuloy ng Condor-Piston sa Bicol ang plano nitong tigil-pasada sa Lunes at Martes upang tutulan ang jeepney modernization program ng gobyerno.

Ayon kay Ramon Rescovilla, secretary general ng grupo, ito'y kahit pa inanunsyo ng mga lider ng Piston na ipagpapaliban nila ang jeepney strike sa ibang bahagi ng bansa.

Ipinagpaliban ng Piston ang protesta matapos pagbigyan ang panawagan ni Senador Grace Poe na talakayin na lang sa hearing sa Senado ang kanilang mga hinaing.

Iginiit ni Rescovilla na walang kasigurahan na matutuloy ang Senate hearing kaya kasado pa rin ang tigil-pasada sa Bicol.

Nangako naman si Poe na iimbitahan niya sa pagdinig si Transportation Secretary Arthur Tugade. Nangako rin siyang isasaalang-alang sa hearing ang kapakanan ng lahat ng sektor.

Una nang iginiit ng Piston na hindi kakayanin ng mga driver ang P1.3 milyon hanggang P1.6 milyon na presyo ng mga makabagong modelo ng jeepney.

Nitong Oktubre, binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga driver at operator ng hanggang Enero upang sumunod sa jeepney modernization program. Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.