University president patay sa pamamaril sa CDO

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 11:19 AM

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang presidente ng University of Science and Technology of Southern Philippines (USTP) matapos pagbabarilin sa tapat ng kaniyang bahay sa Upper Carmen dito sa siyudad, Sabado ng madaling araw.

Naisugod pa sa pagamutan pero idineklara na rin na dead on arrival si Ricardo Rotoras na nagtamo ng walong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Binaril at napatay si Rotoras sa harap ng kaniyang bahay sa Golden Glow North, Upper Carmen bandang ala-1 ng madaling araw. Galing umano sa isang party ang biktima.

Ayon sa pulisya, isang watchman ang nakapagbigay ng impormasyon na may nakita siyang dalawang tao na agad na sumakay sa isang itim na pick-up matapos ang pamamaril.

Nagsasagawa na ngayon ng follow-up operation ang awtoridad hinggil sa insidente.

Si Rotoras ay presidente rin ng Philippine Association of State Universities and Colleges.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.