P1.5-M halaga ng ‘shabu’ nasabat sa Cavite

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 04:54 PM

IMUS, Cavite – Tatlong lalaki ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Biyernes ng hapon dito kung saan tinatayang P1.5-milyong halaga ng shabu ang nasabat.

Nadakip sina Ronald Paredes, 39, Salvador Durana, 24, at Jonathan Lara, 44, sa operasyon sa KM. 27 E. Aguinaldo Highway, Barangay Anabu II dito sa bayan.

Nakapagbenta umano ng tinatayang 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.5-milyon ang mga suspek sa ahente ng PDEA.

Ayon sa PDEA-Camarines Sur, pinursige nilang madakip ang mga suspek dahil ang grupo nila ang itinuturong isa sa mga pinagkukunan ng ilegal na droga ng nahuling drug suspek na si Marilex Arbuis noong Nobyembre 23 sa Naga City.

Patuloy pa rin ang pagtugis ng PDEA sa iba pang pangalan na binanggit sa kanila ni Arbuis.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.