Nagpapatrolyang mga pulis tinambagan; 1 patay, 6 sugatan

Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 03:28 PM | Updated as of Dec 02 2017 05:17 PM

(UPDATED) Patay ang isang pulis at sugatan naman ang anim na iba pa matapos tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Labo, Camarines Norte, Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang nasawi na si Police Officer 2 Richard Abad, habang sugatan sina PO2 Ericson de Vera at PO2 Ronald Gutierrez, at Police Officers 1 Jeffrey Tarrobago, Pedro Valeros, Romar Umandap at Johnson España.

Ayon kay Supt. Elmer Mora, commander ng Camarines Norte Police Public Safety Company, pauwi na ang grupo sakay ng dalawang patrol car mula sa tatlong araw na internal security operations sa Barangay Daguit matapos na mag-negatibo ang impormasyon hinggil sa presensiya ng mga rebelde sa lugar.

Pero hindi inakala ng grupo na tatambangan sila sa highway. Tatlong improvised explosive device ang pinasabog umano pagdaan ng patrol car habang tuloy-tuloy din silang pinaulanan ng bala.

Nagawa namang maka-depensa ng mga pulis at halos isang oras tumagal ang bakbakan.

Tinutugis na ng pinagsanib na puwersa ng pulis at Philippine Army ang mga tumakas na rebelde.

Kamakailan ay sunod-sunod ang mga engkuwentro sa gitna ng mga tropa ng gobyerno at mga rebelde matapos ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pang-kapayapaan. Ito'y bunsod ng patuloy na pag-atake ng mga rebelde sa kabila ng peace talks. - Ulat nina Ronilo Dagos, DZMM at Kate Delovieres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.