Kompanyang di umano nag-remit ng mga kontribusyon, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 09:50 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagreklamo ang isang manggagawa matapos kaltasan ng isang kompanya ang kaniyang sahod, ngunit hindi umano ini-reremit ito sa bangko para sa kaniyang housing loan.

Habang ang iba, idinaing din na hindi naihulog ang ilan sa kanilang mandatory contribution sa gobyerno. 

Kuwento ni Anne Nepunan, dismayado siya sa pabahay na kinuha niya noong 2009 sa tulong ng opisinang pinagtatrabahuhan matapos madiskubreng itinigil ng kaniyang employer na GLC Key Business Ventures Inc. ang hulog sa housing loan sa bangko.

Inihihirit din ni Nepunan sa kompanya na ibalik ang mga ikinaltas sa kanila. 

Pero sa sulat ng abogado ng GLC Key Business Ventures, sinabing naibayad sa bangko ang lahat ng naikaltas kay Nepunan pero nahirapan ang kompanya na ituloy nang buo ang tulong sa housing loan ng empleyado dahil umano sa problemang pinansyal.

Reklamo pa ng ilang empleyado ng GLC, pa-utay utay na nga ang suweldo ay hindi pa umano ito nagre-reremit ng Social Security System (SSS), Philhealth, at Pag-IBIG Fund contribution.

Sagot ng GLC, hindi naman tinatalikuran ng kompanya ang responsibilidad.

Idinulog ng "Tapat na Po" sa Department of Labor and Employment ang problema at may nasilip ngang violation.

"Nagkaroon sila ng violations sa general labor standards," ayon kay DOLE undersecretary Joel Maglunsod. 

Hindi naman sumipot ang kinatawan ng GLC Key Business Ventures sa mandatory conference ngayong Biyernes.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.