4 na pulis, 7 iba pa sugatan sa aksidente sa Davao

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2016 05:57 AM

Photo courtesy of Mac Kenly Zerd

DAVAO CITY- Labing-isa ang sugatan, kabilang na ang apat na pulis, matapos sumalpok ang isang mobile patrol sa puno ng niyog.

Isinugod sa ospital ang 11 sakay ng mobile patrol number 34 ng Calinan Police Station sa Davao City matapos magtamo ng sugat at pasa sa katawan.

Kabilang sa mga sugatan ang apat na pulis na sina SPO2 Rolando Cagaanan, PO3 Irene Sinabre, PO1 Joan Tripole at Alex Gallo.

Papunta sana sa piskalya ang mga biktima para magsampa ng kaso nang sumabog ang gulong sa harapan ng mobile patrol at nawalan ng kontol ang driver kaya bumangga ito sa puno ng niyog sa barangay Biao Joaquin,Calinan District sa Davao City.

Sugatan din sa insidente ang driver na si Rodrigo Zamora,social worker na si CJ Autida at limang bilanggo na sina Orly Napitan,Cristina Oros,Rostum Mastula, Agustin Torres at isang menor de edad na alyas Marvin.

Nagtaka naman ang hepe ng Calinan Police na si Police Chief Inspector Carlito Apilat kung bakit sumabog ang gulong ng patrol car gayung dalawang araw pa lang nila itong ginamit matapos nilang palitan ang lumang gulong ng sasakyan.

Inoobserbahan naman ng mga doktor si PO3 Sinabre dahil naumpog umano ang ulo nito sa semento.

Wala namang naiulat na namatay sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.